Tuesday, October 25, 2016

Mamang Tsuper

Sa loob ng pampublikong sasakyan ay napakaraming kwento ang maaari mong maisulat. Baka nga makabuo ka pa ng mga isan daang libro sa pagsusulat tungkol dito. Ibat ibang tao o mga pangyayari ang maari mong masaksihan sa araw araw na pagtangkilik sa mga pampublikong transportasyon tulad ng MRT, LRT,  Jeepney, Bus at kahit pa sa tricycle o pedicab. Marami ring emosyon ang maaari mong maramdaman sa pagsakay sa mga ito. Nariyan ang malungkot, matuwa, maiyak, matakot, magimbal, at kung ano ano pa dahil sa mga pangyayaring nasasaksihan o nararanasan dito. Sa dami ng pwede ko isulat naisipan kong unahing maging bida ang ating mga Tsuper.
Ito naman ay base lamang sa aking mga karanasan at obserbasyon. Sa araw araw ba naman na sila ang kasa kasama ko sa bawat biyahe. Unti unti ko rin silang nakilala..

Ang ibat ibang uri ng Tsuper (ng Jeep) sa lansangan.

Tsuper na apurado- siya iyong pasakay ka palang umaandar na at syempre sa ganoong paraan ka rin niya ibababa. Oh diba? binigyan niya ng thrill ang buhay mo kahit saglit lang. (kapit lang!).

Tsuper na MATHinik- sila iyong pabibilibin ka sa talas nila sa kwentahan. Sa kanila mo maririnig iyong mga katagang “Iyong mga wala pang bayad riyan oh magbayad na, dalawa pa walang bayad” bilang na bilang niya kahit sabay sabay pa nagbayad ang mga pasahero kanina lang. Kaya iyong wala pang bayad na busy na sa pagte-text bubunot ng pambayad at nahihiyang iaabot ang pera sa unahan.

Tsuper na Sniper- dahil sa mata niyang mala sniper na laging may tinatarget. Hindi mapakali panay ang tingin sa hita ng katabing chicks kahit pa iyong nasa likuran sa tindi ng mata niya ay kaya niyang sipatin gamit ang nasa harapang salamin.

Tsuper na beast mode- sila iyong pabulong na minumura iyong ibang driver na nakakasabay o nasasalubong. Feeling niya palagi siya ang tama pero siya naman itong kaskasero sa daan. Salita ng salita wala naman kausap. (sila iyong kinakatakutan ng pasahero dahil parang nasisiraan ng ulo).

Tsuper na laging may katext o may kausap sa cellphone niya.- ginagawa niya ito habang nagmamaneho. Maiinis ka sa kanya lalo na kung nagmamadali ka dahil sa bagal ng takbo ng sinasakyan niyo. Pero hindi mo rin siguro gugustuhing bilisan nya dahil gusto mo rin namang makarating sa pupuntahan mo nang ligtas diba?

Tsuper na manhid- siya naman iyong walang pakiramdam o bingi lang talaga. yung tipong naka sampung “para” ka na pero ayaw niya pa rin ihinto. At hihinto lang siya kapag sabay sabay na sumigaw ng “para” ang lahat ng pasahero niya. Mapapamura ka nalang habang bumababa dahil kailangan mo na naman sumakay uli pabalik sa layo nang narating mo.

Tsuper na patok- dala niya ay sasakyang patok ito iyong jeep na malakulisap kung titingnan dahil nababalutan nang nagtitingkarang mga ilaw. Sa dami ng ilaw nito mapagkakamalan mong si “shaider” ang driver na nagmula pa sa kalawakan. At siguradong dumadagundong sa lakas ng tugtog ang loob ng sasakyang ito. Yung tipong hindi na kayo makakapag usap dahil hindi rin naman kayo magkakarinigan. Madalas silang pagalitan ng mga pasahero dahil bukod sa pagewang gewang na sasakyan ay nakaririndi ang malakas na tugtog ng hindi mo maintindihang musika.

Tsuper na palaging naghihintay- siguradong nabadtrip ka na rin nya kung na encounter mo na siya dahil bawat kanto hihintuan niya para maghintay ng dadating na pasahero. Kung nakakatunaw ang tingin kanina pa siya naglaho sa kinauupuan niya dahil halos lahat ng pasahero masama na ang tingin sa kanya.

Tsuper na explorer- yung tinalo niya pa si Dora sa pagiging explorer niya sa daan. Siya iyong driver na kung saan saan sumusuot makaiwas lang sa buhol buhol na trapik. Pero iyong dinaanan mas malala pa pala. Kaya kakamot na lang siya sa ulo kasabay nang mga pasahero niyang mainit na ang ulo.

Tsuper na everyday Sunday- sa tugtogan niyang malakas maka oldies. Smooth lang, relaxing. Mag ienjoy ka sa mga lumang tugtugin ni manong na sinasabayan niya pa kahit na iba ang kanyang lyrics. Cool! Hindi ko lang alam kung naaapreciate pa ng mga kabataan ito ngayon. Pero paborito ko itong sakyan. Para ka lang nasa alapaap habang bumibiyahe. (wag naman daw sana “My Way” at madaming madadamay).

At ito ang pinaka ayaw ko.

Tsuper na walang modo, walang hiya, walang respeto at malakas makaperwisyo- sila iyong malakas humithit ng sigarilyo habang nagmamaneho. Sa lahat nang nabanggit dito na klase ng tsuper sa kanya ako sobrang apektado dahil parang tanga lang nasa harap niya iyong  “No Smoking” sign pero siya ang nangunguna sa paglabag dito. Bukod kasi sa ayaw sa sigarilyo ng ibang pasahero hindi rin kasi marunong rumespeto. Pwede namang hithit lang walang buga. Lunok lahat ng usok para walang maperwisyong iba. Diba?

Sila ang ating mga Tsuper. Huwag natin silang matahin dahil maghapon sila sa lansangan nagpapakapagod, tinitiis ang hirap kahit pa bumuhos ang malakas na ulan o kahit pa sunog na ang kanilang balat sa init ng araw kakayod sila para sa kanilang mga pamilya. pati na ang araw araw na pagsuong sa kapahamakang kaakibat ng pagmamaneho maihatid lang tayo ng ligtas sa ating patutunguhan.

Kayo na po bahala magdagdag kung may nakalimutan pa ako..


-LumangTao-


Monday, October 17, 2016

Pamahiin (Part 2)

Muli ay bubuksan ko ang ating paksa hinggil sa mga Pamahiin na naging parte na ng ating kulturang Pilipino. Inuulit ko na aking lubos na iginagalang ang paniniwalang ito. Pati na rin ang lahat ng mga naniniwala rito. Ngunit muli ay humihingi ako ng paumanhin sa aking kapangahasan na suwayin o hindi paniwalaan ang mga pamahiing nabanggit sa artikulong ito.

At ito ang pagpapatuloy sa aking nauna nang naisulat na ang pamagat ay “Pamahiin”.
Tulad nang aking nabanggit sa part 1 nito natuloy naman ang aming kasal ng mahal kong asawa at biniyayaan kami nang isang maganda at ubod ng kulit na anak. Kahit na, bago pa ang aming kasal ay ilang ulit kong pinasukat iyong kanyang damit pangkasal. At ang buong akala ko tapos na rin at natuldukan ko na iyong pamahiin. Dahil napatunayan ko na hindi totoong hindi matutuloy ang aming kasal. Napakarami ko pa palang susuungin na pamahiin sa buhay. (kontrabida na dating ko nito).

Bigla ko naalala ngayon ngayon lang habang isinusulat ko iyong intro ko. tungkol naman sa isang kakilala na nagbigay ng payo para kuno sa aking anak. Palibhasa unang anak ko ito at para naman sa kapakanan niya kaya makikinig ako sa mga payo ninuman depende nalang sa akin kung ito ay may basehan at aking paniniwalaan.

Tumambay kami ng anak ko sa tapat lang naman ng aming bahay para mag pahangin. Tamang tama naroon itong aking kakilala may kakwentuhan kami ni baby. At habang tumatagal ang usapan nag umpisa na magbida itong aking kakilala (babae sya). Ipinapayo nya na maglagay daw ako ng buhok ni baby sa gitna ng isang libro at i-ilalim umano sa unan kung saan nakahiga ang bata para daw “magiging matalino ang iyong anak” sabi niya.. -“wow talaga!?” naamaze pa ako. (kunwari, syempre sinakyan ko lang! Paniniwala niya yan respeto lang). Pero bumanat pa siya na “tingnan mo ako matalino, ganun kasi ginawa sa akin nang mga magulang ko kaya ako tumalino!” pagmamalaki niya. edi wow! Ok na eh! Iyon nalang naisagot ko (sa isip ko lang naman). At biglang parang gusto ko matulog nalang kaya umalis kami nang anak ko sa harap nya habang umiiling ako papalayo at papasok na lang kami sa loob ng bahay.

Kahit na para akong tanga dahil natatawa ako mag isa. Naiisip ko naman iyong mga sinabi niya. Akalain mo napag isip niya ako? Eto nga at bigla  akong namroblema iniisip ko ngayon kung ganoon lang pala kadali para tumalino bakit pinag aral pa ako ng mga magulang ko? (nasisi ko pa magulang ko, langhiyang iyon!).  Sana pala pinakalbo nila ako noong ako’y sanggol pa at inilagay sa mga librong encyclopedia, almanac at atlas ang lahat ng buhok ko. (para sure). Edi sana nabura na sa history sina Aristotle, Galileo Galilei at Alexander the Great dahil ako na ang pinakamatalinong nilalang sa mundo at kasunod sana kita kung ginawa rin yan ng magulang mo. (sayang, sad naman).

Hindi kaya libro na gawa ni Nostradamus iyong librong pinaglagyan ng buhok niya kaya kung ano anong panghuhula sa hinaharap ang laman ng kokote niya? at gusto pa iapply sa anak ko. Iginagalang ko ang mga paniniwalang iyan. Maliban nalang nung sabihin niyang “tingnan ko siya dahil siya ay matalino” ibang usapan na iyan, may bagyo na naman?

Kahit na gusto ko siyang balikan upang ipaunawa sa kanya na baka mas matalino pa siya kesa sa inaakala niya kung iyong libro ay binabasa niya dahil iyon naman ang purpose niyan kaya iyan ginawa at hindi para lagyan ng buhok at itago sa iyong ulunan. pero hindi ko na ginawa. (paniniwala niya iyon, respeto lang).

At syempre itutuloy ko ang kwento para hindi bitin. Kahit na alam kong mang gagalaiti si lola kapag nabasa niya mga pinagsasasabi ko dito. bakit pa kasi kung kelan 70yrs old na saka pa natuto mag Fb.

Kailan lang nakatambay uli kami ng anak ko sa tapat ng aming bahay kasama ko naman ang aking mother in law (si mama). Salamat at wala iyong aking kakilala na mala bagyong Yolanda ang datingan sa lakas. Ligtas na ako sa mga pambihirang pamahiin na dala dala niya. Ngunit nagkamali ako. May paparating na naman palang unos sa utak ko nang mga sandaling iyon. 

May isang grupo ng mga kababaihan ang napadaan (lima lang naman sila) at mga kakilala ni mama. Aba parang instant celebrity iyong anak ko dahil pinagkaguluhan nila. Halinhinan silang pumisil sa pisngi, sa kamay, sa paa, na para bang kakanin na gusto nilang papakin. At nagsawa din naman sila kaya makakahinga na sana ako ng maluwag pero hindi pa pala tapos ang seremonya. Linawayan nila ang aking anak para daw hindi mausog sa tiyan, sa noo, sa talampakan, at kung saan saan pa (hindi nalang dinuraan para mas effective no?). At bilang pag galang sa mga nakatatanda hinintay ko silang umalis at pumasok na kami ng aking anak sa loob ng bahay dahil kailangan ko siyang linisin muli dahil hindi na siya amoy sanggol. Kundi amoy laway.

Hindi rin ako bilib sa pamahiing ito. Dahil sa pag iingat na baka daw mausog kaya kailangan lawayan. Sari saring laway mula sa ibat ibang tao ang ilalagay sa bata (ano kayang kapangyarihan ang nagmumula sa laway at maaari palang pangontra ito?). Paano nalang kung may sakit iyong bumati sa anak mo hindi kaya mas namroblema ka dahil may sakit na rin sya dahil iniwasan mo iyong usog na sinasabi nila?

Gusto ko lamang ipabatid sa lahat na ito ay aking sariling opinyon o sariling paniniwala lamang at hindi ko hinahangad na kayo ay hikayatin na huwag maniwala sa nabanggit na pamahiin. Gaya ng paulit ulit kong sinasabi iginagalang ko ang paniniwala ng bawat isa.



-LumangTao-

Friday, October 14, 2016

Pamahiin (part 1)

May isang pangyayari sa aming tahanan ilang araw na ang nakakalipas at ito ang nag udyok sa akin upang isulat ang paksang ito.

At ito ay ang tungkol sa Pamahiin.

Pamahiin na naglakbay sa mahabang panahon na nagpasalin salin mula pa sa ating mga ninuno magpasa hanggang ngayon. Iginagalang ko ito, at lahat ng ating mga ninuno, pati na ang mga naniniwala dito dahil parte ito ng ating kulturang Pilipino.  Ngunit ipagpatawad ninyo ang aking kapangahasan na suwayin o hindi paniwalaan ang mga pamahiing ito. Lumaki akong kasama sa sirkulasyon ng buhay ang mga pamahiing ito dahil sa aking mga nakatatandang kaanak pati na ang aking mga magulang o kahit iyong aking mga kaibigan at kapitbahay.

Hindi naman siguro basehan ang paniniwala tungkol dito kung mabuti o masama kang tao. Ang totoo wala lang talagang mahagilap na sapat na dahilan ang aking lohikong kaisipan upang paniwalaan ang mga ito.

Mabalik tayo sa isang pangyayaring nangyari kamakailan lang sa aming tahanan. Isang umaga noon sa ikalawang palapag ng aming bahay. Nagbukas ako ng aming bintana upang makapasok ang liwanag ng araw kahit na may pahiwatig ng pag ulan at makalanghap man lamang ng hindi ko mawari kong malinis, sariwa o maruming hangin. Maya maya pa ay may umakyat na isang babaeng kaanak. Umupo sa isang upuan malapit sa bintana. Ilang saglit lang ang nakakalipas may isang paro-paro ang pumasok sa bintanang iyon. Kulay itim na may halong puti sa pakpak. Paikot ikot na lumilipad kung saan siya nakaupo. Kilala ko siyang mapamahiin o naniniwala sa mga pamahiin. Kaya’t sa pagkakataong iyon kitang kita ko ang pilit niyang itinatagong takot. Dahil sa pamahiing maaring may dala itong kapahamakan o kamalasan. Agad na itinaboy nang isa ko pang kaanak iyong paro-paro dahil daw sa kamalasan na maaaring dala nito.

Kinilabutan ako hindi sa paro-paro kundi sa reaksyon ng mga taong malakas ang paniniwala sa pamahiin at kasabihan. At lubos ko pang ikinatakot nang Makita ko ang aking anak na nginginig at parang iiyak dahil sa magkahalong takot at pagka mangha sa pangyayaring nasaksihan. kaya agad ko siyang niyakap at pinakalma. (First time niyang makakita ng paro-parong lumilipad sa mismong harapan niya at hindi lang iyon pangkaraniwan sa kanya kaya ganoon na lamang ang kanyang naging reaksyon).

At biglang bumuhos ang hindi naman kalakasang ulan.

Naisip ko tuloy na maaaring may basehan pa kung iisipin na kaya pumasok iyong paro-paro ay para makisilong dahil batid niya ang paparating na ulan hindi sa kung anong panganib o dalang kamalasan nito. Kaawa awang paro-paro nabasa ang pakpak sumubsob sa putikan dahil lang hindi siya naunawaan. (syempre, imahinasyon ko lang iyon).

Pamahiin na lang din naman ang napag uusapan itutuloy ko na.

Uulitin ko lamang po patawad sa aking kapangahasan sa hindi paniniwala sa mga pamahiing pinaniniwalaan ng karamihan. Lalong lalo na sa lahat ng ating mga Lolo at Lola at iba pang nakatatanda.

Huwag isukat ang damit pangkasal- maaari kaya na ang nagpasimula ng pamahiing ito ay hindi natuloy ang kasal at isinisi sa pagsukat niya sa kanyang damit pangkasal?

May pagkapilyo at may katigasan ang aking ulo. (paminsan minsan lang naman). Noong naghahanda kami sa aming  nalalapit na kasal ng aking mahal na asawa. Isang buwan bago ang aming kasal ay makailang ulit kong ipinasukat ang maganda niyang gown na ipinagawa pa namin sa isang tindahan sa divisoria. Habang sinasabi ko sa kanya na “tingnan ko nga kung hindi matutuloy”. Hindi lang para subukin ang pamahiin o kasabihan. Sadya lamang mas malakas ang pananampalataya ko sa aming pagmamahalan.

Isang linggo bago ang aming kasal (matigas talaga ang aking ulo) muli kong ipinasukat sa aking mahal na asawa iyong kanyang gown. At dumating nga ang ikinakatakot ko. Masikip. Marahil ay sa tatlong linggong nakalipas ay naparami ang kanyang kain dala ng excitement siguro. Kaya ipinaayos pa namin iyon sa sastre. 

At dumating nga ang araw na aming pinakahihintay. Hindi ko na pahahabain pa natuloy ang aming kasal at biniyayaan kami nang isang maganda at ubod ng kulit na anak.

Ibig palang sabihin kung hindi ko ipinasukat iyong damit pangkasal ay masisira ang araw ng aming kasal dahil walang gagamitin o walang maisusuot ang aking asawa dahil sa hindi na ito nagkasya? Hindi kaya mas lalong hindi natuloy dahil baka sa badtrip ng aking asawa ay maisipang ikansela ang kasal sa mismong araw na iyon?

Gusto ko lamang ipabatid sa lahat na ito ay aking sariling opinyon o sariling paniniwala lamang at hindi ko hinahangad na kayo ay hikayatin na huwag maniwala sa nabanggit na pamahiin. Gaya ng aking sinabi iginagalang ko ang paniniwala ng bawat isa.

-LumangTao-

Monday, October 10, 2016

Iskuwater

Maingay, napakaraming tao sa daan, isama na ang mga kabataang nagbabarilan ng pellet gun na bahala na kung sino’ng tamaan, kabilaan ang inuman at sugalan. Fiesta na naman?
Hindi.. Ordinaryong araw lang ‘yan sa isang pamayanan. Pamayanang masaya, nagkakaisa at may pagtutulungan.
Kasi minsan may nagsabunutan. Aba, nagtatawanan pa ang mga miron. (Ang saya). At nagpalakpakan na may kasamang sabay-sabay na sigawan. (Nagkakaisa). Na biglang nauwi sa rambulan. (May pagtutulungan). Oh move on! Umpisa pa lang may ideya ka na, pero ‘wag kang manghula, magbasa ka.
‘Yung isang ina (t***ina) may bitbit pang sanggol habang may hawak na baraha. Alam mo na kung anong unang salita’ng matututunan ng bata. “put*ng*na”. Bakit? Ikaw kaya buong maghapon ‘yan ang maririnig mo sa bawat aalis na talunan pati sa ina niyang uuwi, na wala na pati panghapunan. Tapos magrereklamong nahihirapan?
Sa isang tabi, may nag-uumpukan mga babaeng minor de edad ang karamihan. Mga labing mapupula, make-up na nagkakapalan, ‘yung tipong mapagkakamalan mo nang kalahok sa ati-atihan. Magdamagan ‘yan sila sa daan na parang wala nang kinabukasan. Na kung babalikan mo ang nakaraan, ang ganyang edad naglalaro pa sana ng piko at taguan.
Wala eh, iba na raw ngayon. Asahan mo na lang na sa susunod na buwan, may buntis diyan. (Judgemental daw? E ‘di sige, next next month).
May nasalubong ka pang malapit na kaibigan, na parang kailan lang hari diyan sa basketbolan. ‘Yung tipong sa galing niya kaya ka niyang paglaruan. Minsan nga, sa init ng ulo mo na idinaan, baka sakali mong malamangan. Pero wala, olats, ayun.. tambakan.
Bilib na sana ako, tol (oo ako na to!) pero bakit balita ko isa ka sa nabigyan ng imbitasyon ng ating heneral na kalbo. Nalingat lang ako, naging bespren mo na raw si bato? Bakit ganito? Bakit biglang nagbago? Mali ka yata ng tinahak, bro.
Hindi naman ako nagmamalinis na walang bahid ng dungis, pero mamatay pa nagnakaw ng bisikleta ko. Ni minsan hindi ko sinubukan ‘yan. Madali namang iwasan iyan. Kung ayaw mong magpalamon sa sistemang ‘yan, lumayo ka diyan. Marami namang ibang puwedeng pagkaabalahan.
Sa gitna ng pamayanang ito nakatirik ang bahay ko.
Bakit?
Hindi ko alam. Basta namulatan ko na lang na nandito na ako. Tahimik na pinakikinggan, pinagmamasdan at pinakikiramdaman ang mga bagay bagay sa paligid ko.
Makailang ulit ko nang sinubukan na umalis dito. Tumira sa malayo; sa lugar na tipong mabibingi ka sa katahimikan. Pero makailang ulit din akong hinatak ng mga paa ko pabalik sa lugar na ito. (Nami-miss ko yata ang kakaibang ingay at gulo dito).
Seryoso… masaya naman dito, pipili ka lang talaga ng mga taong makakasalamuha mo. O sabihin na lang nating mahal ko na talaga ang lahat sa lugar na ito.
-LumangTao-

Ang aking Lumang Upuan

Ikaw ‘Lumang Tao’ anong gusto mo maging paglaki? Ahm.. Seaman mam! Pero ang totoo narinig ko lang iyon sa klasmeyt kong nauna nang tinawag ni mam. Wala kasi talaga akong maisip sa kung ano gusto ko paglaki bukod sa maging si superman. Sana sinabi ko nalang yung totoo kay mam, ano kaya naging reaksyon nya? malamang pinatayo na naman ako sa labas ng classroom hanggang matapos yung klase.
Ang gusto ko lang talaga noon ay makapasa, na parang ang hirap kung ang apelyido mo nagsisimula sa Letrang “T” dahil siguradong sa row 4, katabi ng basurahan ka uupo. Kumbaga sa sugal o kumpetisyon umpisa palang dehado ka na. sabayan pa ng mata kong kasing labo ng love life nitong nagbabasa (sobrang labo!). At yung teacher mong parang yung mga nasa harapan lang ang kausap ni ayaw kang tingnan o kamustahin man lang kung gising ka pa o kung humihinga ka pa ba o nangangarap ka na namang si superman ka habang sa bintanang basag ka nakatanaw.
Elementary pa lang may diskriminasyon na katulad nang..
Kapag sa harapan ka nakaupo. tingin sayo matalino , masipag, mabait, pansi-nin ng guro. paano halos sila lang naman nakakaintindi ng mga turo yung iba nga feeling naintindihan lang at kapag tinawag yuyuko. sila din yung madalas may dalang flowers para kay teacher lalo na’t valentines day. (hindi naman lahat wag kang ano, sa harap ka noh? Oh Sige except ka.)
kapag sa likod ka nakaupo (naku po!) kayo yung tamad, magulo, bob-ong (daw na) mag aaral at madalas pagbintangang nandaraya sa pagsusulit (sakit!. ng katotohanan). Hindi naman.. hindi ba pwedeng dahil sa dami ng mag aaral hindi lang namin marinig yung turo ni mam sa likod. Sabayan pa ng mga katabi mong nagpapalitan din ng kuro-kuro kung sino magaling e-heads o parokya.
Syempre sasabihin nyo kung ayaw may dahilan kung gusto may paraan. Eto na relaks.. Minsan pumunta ako sa harapan para lang yung topic malaman kung nasaan. Aba si mam bigla akong sininghalan “bumalik ka sa iyong upuan!” sabay sila nagtawanan. Ayun balik ako sa tabi ng basurahan sabay busy busyhan. At dahil hindi ko Makita kung ano nakasulat sa black board (na hindi ko alam kung bakit yun ang tawag kasi green naman) likod na lang ng notebook aking napagtripan para drawingan ng logo ni superman (pero d ko talaga maperfect, peksman!)
Nung minsan pa ako’y napagalitan ni mam yung ding-ding daw bakit napagtripan kong sulatan. “hala bumili ka ng basahan at alisin yan!” galit na sabi ng teacher kong ako yata ang napaglilihian. Kinabukasan may dala na akong basahan at pinupunasan iyong aking sinulatan. Eto na naman sila at nagtatawanan? Pot holder pala dala ko hindi isang basahan.
Sorry naman.. hindi uso ang pot holder sa bahay kaya ang alam ko iyon ay basahan.
Hindi ako tanga o nagtatanga tangahan sadyang nung mga panahong iyon kasalukuyan kong tinutuklas ang mundo. Unti-unti ko nadidiskubre kung anong klaseng mga tao makakasalamuha ko dito sa manila. Oo galing ako sa malayong probinsya (at walang pot holder dun, short na labahan pwede na) bago napadpad dito. Dito na ako Natutong makiramdam, kumilala kung sino ang pwedeng kaibigan o hindi, mapagkakatiwalaan at hindi. Kumilatis ng totoong tao at nagpapanggap lang na tao.
At ako ang…

-LumangTao-

Sunday, October 9, 2016

Droga at Extra judicial Killing

Binging-bingi ka na ba sa iba’t-ibang balita mula sa radyo at telebisyon? Umay na umay na sa iringan, girian at bangayan ng mga tao sa pulitika na animo’y isang polusyon?
Polusyon na sumisira sa napakaraming tao, ngunit ano nga ba ang solusyon?
Sa ngayon?
Mananatili pa itong imahinasyon. Hangga’t may mga taong may ambisyon. Oo may ambisyon. May ambisyon sa posisyon Sa bawat bagong administrasyon.
Sa aking obserbasyon sa ating pulitika.
Laganap ang personal na away o laban ng kabi-kabilang partido. Na dumadating sa punto na nagiging personalan na ito. Ang tanong.. nagagawa pa ba nila ang tunay na dahilan kung bakit sila nandito? O wala na silang ginawa kundi magturuan, maglabasan ng baho at maghain ng kani-kanilang asunto. Sadya bang magkakaiba lamang ang kanilang pananaw at paniniwala? O personalan nalang ang banatan? Napag uusapan pa ba sa disenteng diskusyon? o bastosan nalang ang labanan? O pwede ring labasan nalang ng mga nakatagong emosyon?
Ano ba ang kanilang pinagtatalunan?
Eto mainit pa kaluluto lang..
DROGA at Extra Judicial Killing
Inuulan ng batikos ang mahigpit na pagpapatupad ng batas ukol dito at ang mismong nagpapatupad nito. Napakarami na ang namamatay at patuloy pang nadaragdagan sa bawat oras o araw na lumilipas dahil umano sa mga user o pusher na nanlaban kaya pinaputukan. Bukod pa sa mga pinapatay ng mga vigilante na may kinalaman umano sa droga.
Sino nga ba ang mga vigilanteng ito?
May basbas ba ito ng mga nasa tuktok? Sila ba ay mga mamamayang gustong tumulong sa pagpuksa sa masasamang elementong nagkalat na itinuturing na mga salot ng lipunan? Sila ba ay mga miyembro rin ng mga sindikatong kinabibilangan ng mga bawat pinapatay upang hindi na makapag salita? O pakana ng iilan upang sirain ang nag mamay ari ng nag-iisang upuan?
Napakaraming katanungan na mahirap hanapan ng kasagutan. Ngunit pasasaan ba ay lalabas din naman ang katotohanan.
Ngunit ano nga ba ang tunay na saloobin ng mga mamamayan tungkol dito?
Marahil nagtataka o may mga tanong kung bakit tahimik ang publiko sa usapin ng mga pagpatay na may kinalaman daw sa droga.
Naisip nyo rin ba kung bakit lumalabas na 91% umano ng mga Pilipino ay tiwala sa pamunuan ng ating gobyerno ngayon? Sa kabila ng kabilaang pagpatay na nangyayari sa ibat ibang panig ng bansa.
Marahil ngayon lamang naramdaman ng mga mamamayan ang pagkilos upang matuldukan ang seryosong problema sa droga. Maaaring nagkaroon ng pag asa ang karamihan na masusulusyonan ang napakalaking suliranin na masasabi kong napabayaan sa mahabang panahon. Na maaaring nakasilip ng liwanag ang mamamayan para sa mga susunod pang henerasyon.
Lilinawin ko lang pabor ako sa laban kontra droga kasama ako sa 91% na Pilipinong may tiwala sa kasalukuyang pamunuan.
Ngunit sabi nga ng mga nakatatanda. “kailan man hindi maitatama ang isang pagkakamali nang isa pang mali”
Kaya sana ay wag naman abusuhin ang ibinigay na kapangyarihan at gawin pa rin ang nararapat sa maka-Diyos at maka-Taong paraan.
Tiwala pa rin akong magiging maayos ang lahat.
-LumangTao-

Buhay ng isang Waiter/Server (Final Wave)


Aligaga, taranta, lalakad, tatakbo na parang may hinahabol na kung ano. Butil-butil ang pawis kahit malamig naman ang paligid mo.
Hindi pa tapos ang laban eto nga at may bagong paparating. Parang Plants vs. Zombies lang ang dating. Final wave na ba? Kabahan ka kasi hindi pa. 2nd wave pa lang. May 3rd pa at pagsnuwerte ka may 4th pa bago ang final wave na hinihintay mo. O parang gusto mong sumuko na lang? O iniisip mo “pwede bang temporary close muna?” hindi eh. Malabo iyang iniisip mo . nasa restaurant ka at ikaw ang servertagapaglingkodtagapagsilbi at kung ano-ano pang tawag sayo. Minsan nga sitsit na lang. (real talk). Tawag dito tawag doon para kang turumpong napakalikot sa kaiikot.
Eto na nga may paparating pa, mag jowa na kaya daw pagsabayin ang love life at pag aaral (multitasking, magaling). At ang bilis mo talaga nabigyan mo agad ng table for two pero nalingat kalang nasa table for four na sila. Ah may kasama naman pala yung mga bag pinauupo din pala.
Anjan na rin si Lolo na makailang ulit ka nang inaway, dahil ni minsan ang gusto nya hindi mo binigay  na i- senior discount pati order ng mga apo nya at kapitbahay. (Transferable Lo?)
Badtrip pa habang kausap mo si lolo may kumakalabit at bumubulong sa tabi mo “ano best seller nyo dito?” oops! Relaks kalang. Habaan mo pa pisi mo. Hindi yata naturuan si kuya na huwag sumabat kapag hindi pa kausap.
Isa pa tong si Ate sinabi mo nang 10mins. Pero sumisigaw na ng “follow up!” may lakad? 3mins. palang lumilipas. Kumakain yata ng hilaw?
At talaga namang uubusin yata baon mong isang sakong pasensya ni kuya. Yung hamburger niya daw split to three separate ng balot isa-isa. (nga-nga!)
Congrats! Mukhang humupa na idol! Galing mo nairaos mo hanggang final wave. Naks! 5mins. nalang close na kayo ng store. Linis nalang at uuwi na. Iniisip mo na nga ulam mo pag uwi diba?
Pero teka may tatlo pang pumasok. sabay tanong “open pa kayo diba?”. Mapapa “edi wow!” ka na lang talaga dahil di ka pwede tumanggi. di pa kayo close diba? Libangin mo nalang sarili mo sa pakikinig nang  mala MMK na love stories nila at mukhang matagal tagal pa yan sila.
Pagkatapos ng nakakapagod na araw ayun madaling araw na pala. Aba at nagsusulat ka pa? Tapusin mo na yan dahil kailangan mo nang magpahinga. bukas papasok kang nagkakandirit, sumisipol pa. Kasi enjoy lang at Masaya.
Ganyan ang buhay ng isang servertagapaglingkodtagapagsilbi. pakatandaan lang na hindi nyo po sila alipin.
“Bigyan nyo lang ng tamang pagtrato, kapalit ng kongkretong respeto”.

-Lumang Tao-

Noon at Ngayon.. (Dalawang Dekada ang Lumipas)

Enjoy, Masaya, Pambihira. Sa mga salitang iyan ko mailalarawan ang aking kabataan noon. Pero hindi na nga pala ako bata ngayon. Nagmumuni-muni lang ako sa mga oras na ito. Napakalaki na ng pagbabago sa mundo dalawang dekada na pala ang nakalipas. Pero ang ala-ala hindi pa rin makaalpas at binabalik balikan sa isip ko madalas.
Ang totoo bigla lang ako nagbalik tanaw sa nakaraan kaya ako napasulat. Naalala ko iyong aking kabataan. Naalala ko iyong aking mga kababata, mga dating kaibigan, pati mga lugar kung saan kami naglalaro, syempre kung ano iyong mga paborito naming laro at kung paano maging bata noon na madalas kung ikumpara sa kung ano ang mga kabataan sa ngayon.
(Hindi naman natin masisisi si Charles Babbage kung bakit pa naimbento niya ang Computer o si Timothy John Berners-Lee at iba pa kung bakit nila naimbento ang Internet o si Mark Zuckerburg kung bakit napakaraming adik sa facebook ngayon.)
Pero mukhang hindi na mararanasan ng mga kabataan sa ngayon kung paano maging bata tulad noon. Hindi naman masamang sumabay sa makabagong mundo pero nakakalungkot lang isipin na dahil sa makabagong teknolohiya. maraming kabataan ang hindi man lang nasubukang laruin iyong mga larong kinahumalingan namin noon na kung minsan hindi sinasadyang nagkakasakitan pero normal lang yun sa mga laro noon kailangan mo kasing tumakbo, tumalon, magkandirit, sumirko sirko, magpagulong gulong sa lupa, ahm. kumain ng apoy, maglakad sa bubog, kumain ng buong manok hehe! Biro lang napanood ko lang iyon sa perya dati uso rin kasi.
Babalikan ko lang iyong mga laro noon tulad nang…
Patintero- na kung saan ilang beses akong nasampal ng taya.
Sipa- na mapapahigop ka sa sakit ng paa, kapag sa buto tumama iyong mabigat na tingga.
Tumbang preso- na lumipad iyong lata sa mukha ko sa lakas bumira nung tumira. At madalas hindi sa lata tumatama iyong rambong tsinelas na gamit ng aking kalaro, kundi sa mismong paa ko.
Luksong baka- na mapapatukod ka talaga kung ayaw mong sumubsob ang iyong mukha sa lupa dahil iniwasan ka nung taya.
Luksong tinik- na hindi nga sumayad sa daliri mo yung lumukso pero nasipa naman yung mukha mo.
Holen- na madalas laruin namin noon sa malambot na lupa. At madalas halos katabi ko na yung pupuntiryahin hindi ko pa tinatamaan at nagdadahilan na lang ako na dumulas.
Teks- na napagbintangan akong mandaraya dahil pamato ko lagi ang lumalabas. Kasi nang iipit daw ako na hanggang sa ngayon hindi ko nga alam kung paano iyon ginagawa.
Tagu-taguan- na ako ang taya kaya kakanta ako nang “pagbilang ko sampu nakatago na kayo, isa dalawa tatlo” at hindi ko tatapusin kasi wala na rin naman makaririnig. Yung akala ko na nadaya ko sila at ako naman si todo hanap. Pero malalaman kong umuwi na pala sila dahil mag gagabi na.
Mga naexperience ko lang naman iyan. Ito iyong mga laro na tila ba kasabay ni Nokia na ibinaon na sa limot.
Mapa lalaki o babae masayang magkakasamang naglalaro noon. Naranasan ko nga maglaro ng Chinese garter, jack stone at piko. Wala naman iyon sa mga bata noon. Hindi kami nahihiyang maglaro ng mga larong pambabae at naglalaro din naman iyong mga kaibigan kong babae ng mga laro naming mga lalaki. Basta kung ano maisipang laro? go lang! happy lang!.
Ngayon?
Ibang iba na. Halos wala na akong batang nakikitang naglalaro ng mga larong kinahumalingan namin noon. (New generation na daw eh). Hawak ng mga kabataan ngayon cellphone, tablet, psp, laptop at kung ano ano pang gadget kahit si nanay wala nang pang budget.
Maghapon nakaharap sa computer na para bang walang bukas. Nalilipasan na ng gutom pero sige pa rin. Iyong iba nga halos ayaw nang matulog sa kalalaro ng mga video games, computer games, nakababad sa computer shops. Yung perang ikakain nalang ibabayad pa sa renta at maglalaro magdamag. Oo 24 oras ang kalakaran sa serbisyong binibigay ng ilang computer shops sa ngayon.
May mga nilamon na ng sistema ng facebook, youtube at kung ano ano pang mga apps. tila ba may mga tao nang hindi mabubuhay sa isang araw na walang Internet.
Hindi naman lingid sa aking kaalaman na napakalaki ng pakinabang natin sa pag usbong ng makabagong teknolohiya.
Halos lahat na yata ng tanong mo ay masasagot ni Google. Talo nya iyong kapitbahay mong chismosa sa dami nang alam niya.
At lahat na yata nang hindi mo alam ituturo sa iyo ni Youtube. Mas marunong pa sya sa pinakamatalinong taong kilala mo sa dami nang kaya niyang ituro sayo.
Pero sabi nga nung matanda sa amin “lahat nang sobra ay masama” at ang maling pag gamit ng mga ito ay makasasama..
Masasabi ko lang na.
Masarap pa ring maging bata noon…
-LumangTao-