Muli ay
bubuksan ko ang ating paksa hinggil sa mga Pamahiin na naging parte na ng ating
kulturang Pilipino. Inuulit ko na aking lubos na iginagalang ang paniniwalang
ito. Pati na rin ang lahat ng mga naniniwala rito. Ngunit muli ay humihingi ako
ng paumanhin sa aking kapangahasan na suwayin o hindi paniwalaan ang mga
pamahiing nabanggit sa artikulong ito.
At ito ang
pagpapatuloy sa aking nauna nang naisulat na ang pamagat ay “Pamahiin”.
Tulad nang
aking nabanggit sa part 1 nito natuloy naman ang aming kasal ng mahal kong
asawa at biniyayaan kami nang isang maganda at ubod ng kulit na anak. Kahit na,
bago pa ang aming kasal ay ilang ulit kong pinasukat iyong kanyang damit
pangkasal. At ang buong akala ko tapos na rin at natuldukan ko na iyong
pamahiin. Dahil napatunayan ko na hindi totoong hindi matutuloy ang aming kasal.
Napakarami ko pa palang susuungin na pamahiin sa buhay. (kontrabida na dating
ko nito).
Bigla ko
naalala ngayon ngayon lang habang isinusulat ko iyong intro ko. tungkol naman
sa isang kakilala na nagbigay ng payo para kuno sa aking anak. Palibhasa
unang anak ko ito at para naman sa kapakanan niya kaya makikinig ako sa mga
payo ninuman depende nalang sa akin kung ito ay may basehan at aking
paniniwalaan.
Tumambay kami ng anak ko sa tapat lang naman ng aming bahay para mag pahangin.
Tamang tama naroon itong aking kakilala may kakwentuhan kami ni baby. At habang
tumatagal ang usapan nag umpisa na magbida itong aking kakilala (babae sya). Ipinapayo
nya na maglagay daw ako ng buhok ni baby sa gitna ng isang libro at i-ilalim
umano sa unan kung saan nakahiga ang bata para daw “magiging matalino ang iyong
anak” sabi niya.. -“wow talaga!?” naamaze pa ako. (kunwari, syempre sinakyan ko
lang! Paniniwala niya yan respeto lang). Pero bumanat pa siya na “tingnan mo
ako matalino, ganun kasi ginawa sa akin nang mga magulang ko kaya ako tumalino!”
pagmamalaki niya. edi wow! Ok na eh! Iyon nalang naisagot ko (sa isip ko lang
naman). At biglang parang gusto ko matulog nalang kaya umalis kami nang anak ko
sa harap nya habang umiiling ako papalayo at papasok na lang kami sa loob ng
bahay.
Kahit na para
akong tanga dahil natatawa ako mag isa. Naiisip ko naman iyong mga sinabi niya.
Akalain mo napag isip niya ako? Eto nga at bigla akong namroblema iniisip ko ngayon kung
ganoon lang pala kadali para tumalino bakit pinag aral pa ako ng mga magulang
ko? (nasisi ko pa magulang ko, langhiyang iyon!). Sana pala pinakalbo nila ako noong ako’y
sanggol pa at inilagay sa mga librong encyclopedia, almanac at atlas ang lahat
ng buhok ko. (para sure). Edi sana nabura na sa history sina Aristotle, Galileo
Galilei at Alexander the Great dahil ako na ang pinakamatalinong nilalang sa
mundo at kasunod sana kita kung ginawa rin yan ng magulang mo. (sayang, sad
naman).
Hindi kaya
libro na gawa ni Nostradamus iyong librong pinaglagyan ng buhok niya kaya kung
ano anong panghuhula sa hinaharap ang laman ng kokote niya? at gusto pa iapply
sa anak ko. Iginagalang ko ang mga paniniwalang iyan. Maliban nalang nung
sabihin niyang “tingnan ko siya dahil siya ay matalino” ibang usapan na iyan,
may bagyo na naman?
Kahit na
gusto ko siyang balikan upang ipaunawa sa kanya na baka mas matalino pa siya
kesa sa inaakala niya kung iyong libro ay binabasa niya dahil iyon naman ang
purpose niyan kaya iyan ginawa at hindi para lagyan ng buhok at itago sa iyong
ulunan. pero hindi ko na ginawa. (paniniwala niya iyon, respeto lang).
At syempre
itutuloy ko ang kwento para hindi bitin. Kahit na alam kong mang gagalaiti si
lola kapag nabasa niya mga pinagsasasabi ko dito. bakit pa kasi kung kelan
70yrs old na saka pa natuto mag Fb.
Kailan lang
nakatambay uli kami ng anak ko sa tapat ng aming bahay kasama ko naman ang aking mother in law (si mama). Salamat at wala iyong aking kakilala na mala
bagyong Yolanda ang datingan sa lakas. Ligtas na ako sa mga pambihirang
pamahiin na dala dala niya. Ngunit nagkamali ako. May paparating na naman
palang unos sa utak ko nang mga sandaling iyon.
May isang grupo ng mga
kababaihan ang napadaan (lima lang naman sila) at mga kakilala ni mama. Aba parang
instant celebrity iyong anak ko dahil pinagkaguluhan nila. Halinhinan silang
pumisil sa pisngi, sa kamay, sa paa, na para bang kakanin na gusto nilang
papakin. At nagsawa din naman sila kaya makakahinga na sana ako ng maluwag pero
hindi pa pala tapos ang seremonya. Linawayan nila ang aking anak para daw hindi
mausog sa tiyan, sa noo, sa talampakan, at kung saan saan pa (hindi nalang
dinuraan para mas effective no?). At bilang pag galang sa mga nakatatanda
hinintay ko silang umalis at pumasok na kami ng aking anak sa loob ng bahay
dahil kailangan ko siyang linisin muli dahil hindi na siya amoy sanggol. Kundi amoy
laway.
Hindi rin
ako bilib sa pamahiing ito. Dahil sa pag iingat na baka daw mausog kaya
kailangan lawayan. Sari saring laway mula sa ibat ibang tao ang ilalagay sa
bata (ano kayang kapangyarihan ang nagmumula sa laway at maaari palang
pangontra ito?). Paano nalang kung may sakit iyong bumati sa anak mo hindi kaya
mas namroblema ka dahil may sakit na rin sya dahil iniwasan mo iyong usog na
sinasabi nila?
Gusto ko
lamang ipabatid sa lahat na ito ay aking sariling opinyon o sariling paniniwala
lamang at hindi ko hinahangad na kayo ay hikayatin na huwag maniwala sa
nabanggit na pamahiin. Gaya ng paulit ulit kong sinasabi iginagalang ko ang
paniniwala ng bawat isa.
-LumangTao-
No comments:
Post a Comment