Monday, October 10, 2016

Iskuwater

Maingay, napakaraming tao sa daan, isama na ang mga kabataang nagbabarilan ng pellet gun na bahala na kung sino’ng tamaan, kabilaan ang inuman at sugalan. Fiesta na naman?
Hindi.. Ordinaryong araw lang ‘yan sa isang pamayanan. Pamayanang masaya, nagkakaisa at may pagtutulungan.
Kasi minsan may nagsabunutan. Aba, nagtatawanan pa ang mga miron. (Ang saya). At nagpalakpakan na may kasamang sabay-sabay na sigawan. (Nagkakaisa). Na biglang nauwi sa rambulan. (May pagtutulungan). Oh move on! Umpisa pa lang may ideya ka na, pero ‘wag kang manghula, magbasa ka.
‘Yung isang ina (t***ina) may bitbit pang sanggol habang may hawak na baraha. Alam mo na kung anong unang salita’ng matututunan ng bata. “put*ng*na”. Bakit? Ikaw kaya buong maghapon ‘yan ang maririnig mo sa bawat aalis na talunan pati sa ina niyang uuwi, na wala na pati panghapunan. Tapos magrereklamong nahihirapan?
Sa isang tabi, may nag-uumpukan mga babaeng minor de edad ang karamihan. Mga labing mapupula, make-up na nagkakapalan, ‘yung tipong mapagkakamalan mo nang kalahok sa ati-atihan. Magdamagan ‘yan sila sa daan na parang wala nang kinabukasan. Na kung babalikan mo ang nakaraan, ang ganyang edad naglalaro pa sana ng piko at taguan.
Wala eh, iba na raw ngayon. Asahan mo na lang na sa susunod na buwan, may buntis diyan. (Judgemental daw? E ‘di sige, next next month).
May nasalubong ka pang malapit na kaibigan, na parang kailan lang hari diyan sa basketbolan. ‘Yung tipong sa galing niya kaya ka niyang paglaruan. Minsan nga, sa init ng ulo mo na idinaan, baka sakali mong malamangan. Pero wala, olats, ayun.. tambakan.
Bilib na sana ako, tol (oo ako na to!) pero bakit balita ko isa ka sa nabigyan ng imbitasyon ng ating heneral na kalbo. Nalingat lang ako, naging bespren mo na raw si bato? Bakit ganito? Bakit biglang nagbago? Mali ka yata ng tinahak, bro.
Hindi naman ako nagmamalinis na walang bahid ng dungis, pero mamatay pa nagnakaw ng bisikleta ko. Ni minsan hindi ko sinubukan ‘yan. Madali namang iwasan iyan. Kung ayaw mong magpalamon sa sistemang ‘yan, lumayo ka diyan. Marami namang ibang puwedeng pagkaabalahan.
Sa gitna ng pamayanang ito nakatirik ang bahay ko.
Bakit?
Hindi ko alam. Basta namulatan ko na lang na nandito na ako. Tahimik na pinakikinggan, pinagmamasdan at pinakikiramdaman ang mga bagay bagay sa paligid ko.
Makailang ulit ko nang sinubukan na umalis dito. Tumira sa malayo; sa lugar na tipong mabibingi ka sa katahimikan. Pero makailang ulit din akong hinatak ng mga paa ko pabalik sa lugar na ito. (Nami-miss ko yata ang kakaibang ingay at gulo dito).
Seryoso… masaya naman dito, pipili ka lang talaga ng mga taong makakasalamuha mo. O sabihin na lang nating mahal ko na talaga ang lahat sa lugar na ito.
-LumangTao-

No comments:

Post a Comment