Sunday, October 9, 2016

Noon at Ngayon.. (Dalawang Dekada ang Lumipas)

Enjoy, Masaya, Pambihira. Sa mga salitang iyan ko mailalarawan ang aking kabataan noon. Pero hindi na nga pala ako bata ngayon. Nagmumuni-muni lang ako sa mga oras na ito. Napakalaki na ng pagbabago sa mundo dalawang dekada na pala ang nakalipas. Pero ang ala-ala hindi pa rin makaalpas at binabalik balikan sa isip ko madalas.
Ang totoo bigla lang ako nagbalik tanaw sa nakaraan kaya ako napasulat. Naalala ko iyong aking kabataan. Naalala ko iyong aking mga kababata, mga dating kaibigan, pati mga lugar kung saan kami naglalaro, syempre kung ano iyong mga paborito naming laro at kung paano maging bata noon na madalas kung ikumpara sa kung ano ang mga kabataan sa ngayon.
(Hindi naman natin masisisi si Charles Babbage kung bakit pa naimbento niya ang Computer o si Timothy John Berners-Lee at iba pa kung bakit nila naimbento ang Internet o si Mark Zuckerburg kung bakit napakaraming adik sa facebook ngayon.)
Pero mukhang hindi na mararanasan ng mga kabataan sa ngayon kung paano maging bata tulad noon. Hindi naman masamang sumabay sa makabagong mundo pero nakakalungkot lang isipin na dahil sa makabagong teknolohiya. maraming kabataan ang hindi man lang nasubukang laruin iyong mga larong kinahumalingan namin noon na kung minsan hindi sinasadyang nagkakasakitan pero normal lang yun sa mga laro noon kailangan mo kasing tumakbo, tumalon, magkandirit, sumirko sirko, magpagulong gulong sa lupa, ahm. kumain ng apoy, maglakad sa bubog, kumain ng buong manok hehe! Biro lang napanood ko lang iyon sa perya dati uso rin kasi.
Babalikan ko lang iyong mga laro noon tulad nang…
Patintero- na kung saan ilang beses akong nasampal ng taya.
Sipa- na mapapahigop ka sa sakit ng paa, kapag sa buto tumama iyong mabigat na tingga.
Tumbang preso- na lumipad iyong lata sa mukha ko sa lakas bumira nung tumira. At madalas hindi sa lata tumatama iyong rambong tsinelas na gamit ng aking kalaro, kundi sa mismong paa ko.
Luksong baka- na mapapatukod ka talaga kung ayaw mong sumubsob ang iyong mukha sa lupa dahil iniwasan ka nung taya.
Luksong tinik- na hindi nga sumayad sa daliri mo yung lumukso pero nasipa naman yung mukha mo.
Holen- na madalas laruin namin noon sa malambot na lupa. At madalas halos katabi ko na yung pupuntiryahin hindi ko pa tinatamaan at nagdadahilan na lang ako na dumulas.
Teks- na napagbintangan akong mandaraya dahil pamato ko lagi ang lumalabas. Kasi nang iipit daw ako na hanggang sa ngayon hindi ko nga alam kung paano iyon ginagawa.
Tagu-taguan- na ako ang taya kaya kakanta ako nang “pagbilang ko sampu nakatago na kayo, isa dalawa tatlo” at hindi ko tatapusin kasi wala na rin naman makaririnig. Yung akala ko na nadaya ko sila at ako naman si todo hanap. Pero malalaman kong umuwi na pala sila dahil mag gagabi na.
Mga naexperience ko lang naman iyan. Ito iyong mga laro na tila ba kasabay ni Nokia na ibinaon na sa limot.
Mapa lalaki o babae masayang magkakasamang naglalaro noon. Naranasan ko nga maglaro ng Chinese garter, jack stone at piko. Wala naman iyon sa mga bata noon. Hindi kami nahihiyang maglaro ng mga larong pambabae at naglalaro din naman iyong mga kaibigan kong babae ng mga laro naming mga lalaki. Basta kung ano maisipang laro? go lang! happy lang!.
Ngayon?
Ibang iba na. Halos wala na akong batang nakikitang naglalaro ng mga larong kinahumalingan namin noon. (New generation na daw eh). Hawak ng mga kabataan ngayon cellphone, tablet, psp, laptop at kung ano ano pang gadget kahit si nanay wala nang pang budget.
Maghapon nakaharap sa computer na para bang walang bukas. Nalilipasan na ng gutom pero sige pa rin. Iyong iba nga halos ayaw nang matulog sa kalalaro ng mga video games, computer games, nakababad sa computer shops. Yung perang ikakain nalang ibabayad pa sa renta at maglalaro magdamag. Oo 24 oras ang kalakaran sa serbisyong binibigay ng ilang computer shops sa ngayon.
May mga nilamon na ng sistema ng facebook, youtube at kung ano ano pang mga apps. tila ba may mga tao nang hindi mabubuhay sa isang araw na walang Internet.
Hindi naman lingid sa aking kaalaman na napakalaki ng pakinabang natin sa pag usbong ng makabagong teknolohiya.
Halos lahat na yata ng tanong mo ay masasagot ni Google. Talo nya iyong kapitbahay mong chismosa sa dami nang alam niya.
At lahat na yata nang hindi mo alam ituturo sa iyo ni Youtube. Mas marunong pa sya sa pinakamatalinong taong kilala mo sa dami nang kaya niyang ituro sayo.
Pero sabi nga nung matanda sa amin “lahat nang sobra ay masama” at ang maling pag gamit ng mga ito ay makasasama..
Masasabi ko lang na.
Masarap pa ring maging bata noon…
-LumangTao-

No comments:

Post a Comment