May isang pangyayari sa aming tahanan ilang araw na ang
nakakalipas at ito ang nag udyok sa akin upang isulat ang paksang ito.
At ito ay ang tungkol sa Pamahiin.
Pamahiin na naglakbay sa mahabang panahon na nagpasalin
salin mula pa sa ating mga ninuno magpasa hanggang ngayon. Iginagalang ko ito,
at lahat ng ating mga ninuno, pati na ang mga naniniwala dito dahil parte ito ng
ating kulturang Pilipino. Ngunit ipagpatawad
ninyo ang aking kapangahasan na suwayin o hindi paniwalaan ang mga pamahiing
ito. Lumaki akong kasama sa sirkulasyon ng buhay ang mga pamahiing ito dahil sa
aking mga nakatatandang kaanak pati na ang aking mga magulang o kahit iyong
aking mga kaibigan at kapitbahay.
Hindi naman siguro basehan ang paniniwala tungkol dito kung
mabuti o masama kang tao. Ang totoo wala lang talagang mahagilap na sapat na
dahilan ang aking lohikong kaisipan upang paniwalaan ang mga ito.
Mabalik tayo sa isang pangyayaring nangyari kamakailan lang
sa aming tahanan. Isang umaga noon sa ikalawang palapag ng aming bahay. Nagbukas
ako ng aming bintana upang makapasok ang liwanag ng araw kahit na may pahiwatig
ng pag ulan at makalanghap man lamang ng hindi ko mawari kong malinis, sariwa o
maruming hangin. Maya maya pa ay may umakyat na isang babaeng kaanak. Umupo sa
isang upuan malapit sa bintana. Ilang saglit lang ang nakakalipas may isang
paro-paro ang pumasok sa bintanang iyon. Kulay itim na may halong puti sa
pakpak. Paikot ikot na lumilipad kung saan siya nakaupo. Kilala ko siyang mapamahiin
o naniniwala sa mga pamahiin. Kaya’t sa pagkakataong iyon kitang kita ko ang
pilit niyang itinatagong takot. Dahil sa pamahiing maaring may dala itong
kapahamakan o kamalasan. Agad na itinaboy nang isa ko pang kaanak iyong
paro-paro dahil daw sa kamalasan na maaaring dala nito.
Kinilabutan ako hindi sa paro-paro kundi sa reaksyon ng mga
taong malakas ang paniniwala sa pamahiin at kasabihan. At lubos ko pang
ikinatakot nang Makita ko ang aking anak na nginginig at parang iiyak dahil sa magkahalong
takot at pagka mangha sa pangyayaring nasaksihan. kaya agad ko siyang niyakap
at pinakalma. (First time niyang makakita ng paro-parong lumilipad sa mismong
harapan niya at hindi lang iyon pangkaraniwan sa kanya kaya ganoon na lamang
ang kanyang naging reaksyon).
At biglang bumuhos ang hindi naman kalakasang ulan.
Naisip ko tuloy na maaaring may basehan pa kung iisipin na
kaya pumasok iyong paro-paro ay para makisilong dahil batid niya ang paparating
na ulan hindi sa kung anong panganib o dalang kamalasan nito. Kaawa awang paro-paro
nabasa ang pakpak sumubsob sa putikan dahil lang hindi siya naunawaan.
(syempre, imahinasyon ko lang iyon).
Pamahiin na lang din naman ang napag uusapan itutuloy ko na.
Uulitin ko lamang po patawad sa aking kapangahasan sa hindi
paniniwala sa mga pamahiing pinaniniwalaan ng karamihan. Lalong lalo na sa
lahat ng ating mga Lolo at Lola at iba pang nakatatanda.
Huwag isukat ang damit pangkasal- maaari kaya na ang
nagpasimula ng pamahiing ito ay hindi natuloy ang kasal at isinisi sa pagsukat niya
sa kanyang damit pangkasal?
May pagkapilyo at may katigasan ang aking ulo. (paminsan
minsan lang naman). Noong naghahanda kami sa aming nalalapit na kasal ng aking mahal na asawa. Isang
buwan bago ang aming kasal ay makailang ulit kong ipinasukat ang maganda niyang
gown na ipinagawa pa namin sa isang tindahan sa divisoria. Habang sinasabi ko
sa kanya na “tingnan ko nga kung hindi matutuloy”. Hindi lang para subukin ang
pamahiin o kasabihan. Sadya lamang mas malakas ang pananampalataya ko sa aming
pagmamahalan.
Isang linggo bago ang aming kasal (matigas talaga ang aking
ulo) muli kong ipinasukat sa aking mahal na asawa iyong kanyang gown. At dumating
nga ang ikinakatakot ko. Masikip. Marahil ay sa tatlong linggong nakalipas ay
naparami ang kanyang kain dala ng excitement siguro. Kaya ipinaayos pa namin iyon
sa sastre.
At dumating nga ang araw na aming pinakahihintay. Hindi ko na pahahabain pa
natuloy ang aming kasal at biniyayaan kami nang isang maganda at ubod ng kulit
na anak.
Ibig palang sabihin kung hindi ko ipinasukat iyong damit
pangkasal ay masisira ang araw ng aming kasal dahil walang gagamitin o walang
maisusuot ang aking asawa dahil sa hindi na ito nagkasya? Hindi kaya mas lalong
hindi natuloy dahil baka sa badtrip ng aking asawa ay maisipang ikansela ang
kasal sa mismong araw na iyon?
Gusto ko lamang ipabatid sa lahat na ito ay aking sariling opinyon
o sariling paniniwala lamang at hindi ko hinahangad na kayo ay hikayatin na
huwag maniwala sa nabanggit na pamahiin. Gaya ng aking sinabi iginagalang ko
ang paniniwala ng bawat isa.
No comments:
Post a Comment