Monday, April 1, 2019

Tiwala, Respeto at Pagmamahal

Mainit-init pa ang isyung jelai-jon-toni pero bago pa nito ay sunod-sunod at hindi matapos tapos na isyung katulad nito ang halos araw araw dumadaan sa mga newsfeed natin sa facebook.

"Nature nang lalaki" na magloko? na hindi makuntento sa isa? na maghanap pa ng iba? Inihahalintulad pa nga ang babae sa ulam na magsasawa ka kapag paulit ulit kaya ibang putahe naman. Madalas ko itong marinig mula noon magpa hanggang sa ngayon. common na common na kumbaga. Mindset na nang lipunang ginagalawan.

Nature nga ba ng lalaki o isa lamang itong masakit na panghuhusga mula sayo dahil sa karanasan ng iba o maaari din namang base sa sarili mong karanasan kaya mo ito nasasabi. well, hindi lang ikaw ang may ganyang pananaw sa usaping ito. Aminin man natin o hindi majority ng mga babae ay nasa panig mo at hindi ko sila masisisi kung bakit.

pero... medyo dedepensa ako ng konti lang naman. Hindi kasi ako naniniwalang likas sa lalaki ang magloko. Kapag kasi sinabi mong likas sa lalaki in general yan. lahat ng lalaki tinutukoy mo. Pero marami pa namang lalaki ang hindi nagloloko o pinipiling maging faithful sa partner nila kaya huwag nating lahatin. Tahimik lang silang ginagawa kung ano ang tama. hindi naman kasi kailangan pang ipagsigawan dahil sa mapanghusgang mga tao sa paligid. lalabas lang na nagmamalinis ka.

Pinipili- Ibig sabihin pwede mong piliin kung lalagay ka sa tama o magpapaka mali ka dahil iyon naman na ang tingin ng lipunan sa katulad mong lalaki. o sadyang gusto mo talagang gawin. Hindi yan aksidente at sasabihin mong hindi mo sinasadya o natukso ka lang pagdating nang araw na magkabistuhan na. iyan kasi ang laging depensa diba? Pinili mong mapunta sa sitwasyong iyan. Ginusto mo yan. Kaya gasgas na yang katagang hindi mo sinasadya. Maliban nalang kung may sariling ulo yang ulo mo.

Naniniwala pa rin akong depende sa lalaki kung paano ka mag-isip, kung paano ka magmahal, kung paano ka magkontrol, makiramdam at umiwas sa tukso. Basta't alam mo ang tama at mali. Hindi ka na dapat dumating sa punto na labanan ang tukso. dahil naiwasan mo na ito. Isipin mo iyong sakit na mararamdaman ng partner mo kesa sa panandaliang libog na nararamdaman mo.

Bukod sa libog eto pa dalawang common na dahilan kung bakit may mga nasisirang pamilya o relasyon.

Nagloko dahil hindi na masaya- madalas na idahilan ng iba kung bakit naghanap ng iba. May kulang? o sadyang hindi ka lang kuntento? Mahal mo pero hindi ka na masaya. kaya may reason ka para magloko? hindi ba dapat kapag mahal mo hindi mo hahayaang masaktan. isa pa committed ka. hindi mo pa rin dapat gawin masaya ka man o hindi. Uulitin ko libog lang yan! Maniwala ka. 

Long Distance Relationship (LDR)- Madalas mga OFW biktima ng ganitong sitwasyon. Hindi healthy to. Totoo! May kulang talaga. Hinahanap mo iyong physical attachment nyo ng partner mo. malungkot. Pero hindi pa rin ito dahilan para magloko o hanapin sa iba nang dahil nasa malayo ka. Sino ba naman ang may gustong malayo sa pamilya o sa asawa. Kung hindi lang dahil sa may pangarap ka para sa pamilyang binuo mo.

Kumunikasyon. napaka importante nito para sa mga LDR. Hindi maiwasan nagkakaroon ng mga tampuhan, awayan. pero away lang walang hiwalay at lalong dapat walang lokohan. Isipin mo may pamilyang naghihintay sayo. Uulitin ko pa ba? wag na alam mo na yun! 

Ang pagmamahal hindi nakikita sa pagpapaka sweet lang o maibigay mo lang lahat ng gusto ng partner mo. Hindi rin paramihan ng pagsasabi ng "iloveyou". 

Bigyan mo ng Respeto, alagaan mo yung Tiwala na ibinigay nya sayo at iparamdam mo kung gaano siya kaHalaga syo. Yung hindi mo kayang saktan siya. Saka mo sabihing "mahal kita"




-LumangTao-




Tuesday, November 6, 2018

Gusto mo na mag simula sa Stock Market?

Kung nabasa mo na iyong unang naisulat ko tungkol dito mas makabububuting basahin mo na rin ito. mas ipapaliwanag pa natin nang mas malalim pa kung ano nilalaman ng stock market, kung bakit ka papasok dito, kung ano ang dapat mo iexpect kapag pinasok mo ito o bago mo pa pasukin ang mundong ito. 

Gaya ng sinabi ko noong una hindi mo kailangang maging mayaman bago mo mapasok ang stock market. mayaman ba ako? isang hamak na ofw lang ako na nagtratrabaho lang din para sa pamilya. baka mas malaki pa kinikita mo sa akin. at hindi mo naman kailangan magmadali dito. 5,000 pesos ay sapat na para makapag umpisa ka. ang totoo gaya ng maraming pumasok dito ito ang sinasabi "sana noon ko pa nalaman" na sinabi ko na rin ngayon sa sarili ko. kasi kung nalaman ko ito ng mas maaga malamang simula nung mag umpisa palang ako mag trabaho nag invest na ako dito. 

Gusto mo nang simulan?
Kung gusto mo na magsimula at nakapag isip-isip ka na itanong mo muna sarili mo kung mayroon ka na nitong mga sumusunod.


Kaalaman- sapat na kaalaman sa kung ano itong papasukin mo. kasi tulad ko noong una nung makita ko na napakaraming numero tapos parang ang gulo. sabi ko napakahirap palang intindihin ng stock market. Isa ito sa mga dahilan kaya hindi tinutuloy ng iba kahit na may idea na sila. pero hindi mahirap intindihin ito dahil lahat naman napag aaralan, natututunan. dapat lang ay maintindihan mo kung ano ito at paano ka gagalaw dito. dapat ay maintindihan mo na risky ang stock market kaya kailangan mong mag aral. at walang katapusan ang pag aaral dito. habang tumatagal ka sa kalakarang ito lumalalim pa ng lumalalim ang kaalaman mo tungkol dito. huwag masyadong maexcite sa mga nakikitang daan daan, libo libo o milyon na gain mula sa ibang tao ng dahil sa stock market. dahil hindi natin alam kung ano mga pinagdaanan nila bago pa nila nakuha yang mga yan. at hindi rin natin alam kung ilang buwan, taon o ilang dekadang pag aaral bago nila nakuha yan. kaya hindi advisable sa ating mga baguhan na sumabak agad sa trading. i advise na mas safe kung maging investor ka muna. direct man ito o sa mutual fund. masyado kasing high risk kapag pumasok ka agad sa trading. at kung nakapag aral ka na at sa tingin mo may sapat ka nang kaalaman maaari mo nang subukan ang trading.


 
Pera (capital)- para makapag umpisa ka dito syempre kailangan mo ng perang magiging puhunan mo sa stock market. gaya ng paulit ulit kong sinasabi 5k ang minimum na kailangan bago ka makapag open ng account sa pamamagitan ng stockbroker. at huwag ka mag expect na magiging daang libo o milyon yang 5k mo overnight o kahit pa araw o linggo malabo iyan. maliban nalang kung itataya mo sa lotto yan at naka jackpot ka. pero suntok sa buwan yan. sa stock market mas malaki puhunan mo mas malaki ang potensyal nang paglago ng pera mo. syempre kung maliit puhunan mo maliit lang din kung sakaling manalo ka dito. pwede mo naman dagdagan iyang 5k mo kada buwan o kada sahod mo sa trabaho depende sayo kung magkano at kung kelan mo gusto. basta ang ilalagay mo ay iyong perang d mo nman gagamitin sa mahabang panahon. o sabihin na nating yung perang kaya mong kalimutan na meron ka. kasi magiging useless yan kung ilalagay mo tapos iwiwithdraw mo makalipas ang ilang araw, linggo o ilang buwan. 1k ang minimum kapag mag aadd ng buying power sa stockbroker ko. (wala akong idea sa ibang broker) check nyo nalang. at wala ka dapat alalahanin kasi sa sarili mong account mapupunta iyan. at makikita mo yan kahit pa minu minuto mo yan icheck sa account mo. 

Stockbroker- hindi ka makakapag umpisa sa stock market kapag wala ka nito. Mag fifill up ka lang ng application nila for opening ng account at ipapasa o ipapadala mo lang sa kanila. downloadable naman sa mga website nila iyong mga form nila kaya d mo na kailangan pumunta pa sa opisina nila. mag iemail sila syo kapag approved na iyong application mo then iaadvise ka nila na pwede ka na maglagay ng fund (may instruction na rin kung pano ka maglalagay ng fund sa kanila). once mareceive nila yung fund mo ay ipapadala na rin nila sa email mo iyong account no. at password mo. para maopen mo account mo at makikita mo na rin iyong initial fund mo. after that pwede ka nang magsimula! kung anong atake gagawin mo sa stock market. usually 3 to 5 working days lang para sa approval ng applications.
-Sila iyong mga lihitimong kumpanya o brokerage firm na direktang may kaugnayan sa Philippine Stock Exchange Inc. (PSE) para sa mga investors. sila ay tumatayong middlemen sa pagitan ng mga investors at PSE. 


Scam?
walang scam dito dahil wala ka naman bibilhing produkto o serbisyo dito. wala ring pinapangako sayo dito na madodoble pera mo o bigla ka yayaman dito o iyong tinatawag nilang rich quick scheme. walang easy money dito. lahat pinaghihirapan lahat pinag aaralan. hindi rin naman ako interesado sa pera mo o ayain pa kitang mag kape dahil ok na ko sa instant coffee. awareness lang ito. at gusto ko lang din i-share kung ano man mga natututonan ko. hindi rin ako eksperto sa stock market nag aaral lang at natututo. nasa sa iyo lang kung interesado ka o hindi. kung susubukan mo o ibabalewala. sabi ko nga walang garantisadong kikita ka dito pero may potensyal ang paglago ng pera dito. kadalasan lang naman kaya naii-scam ang tao dahil sa pagiging greedy. paghahangad nang madaliang pera o malaking pera ng hindi pinaghihirapan. kaya kapag pinangakuan nang kung ano ano nang iilang mapagsamantala ay papasok agad at magbibitaw ng pera. sabay maglalaho na sila na parang bula kasabay nang paglaho ng pera mo. 

Para sa dagdag pang kaalaman ang Stock market ay parang isang malaking merkado o pamilihan na maraming buyer at seller. bumibili si buyer ng shares at ibebenta sa mas mataas na halaga para kumita siya. ganyan lang ka simple ang stock market ang kumplikado ay kung kailan ka dapat bumili at kung kailan ka dapat mag benta kaya may mga pag aaral na dapat gawin.

At alam nyo ba na may mga gurus/mentors na nag aalok ng serbisyo nila para ituro lang nila ang tungkol sa stock market especially kung gusto mo maging trader? at nagkakahalaga ito ng 100k pataas kung hindi ako nagkakamali. ang target nila ay iyong may malalaking capital na gusto pasukin ang mundo ng stock trading. pero marami din namang gurus/mentors na nagtuturo ng libre. walang bayad. at isa ako sa mga nakikinabang sa kanila. 

Akio Kashiwagi of Moneygrowersph.
Guillen Rocher of Traders empire.
Omeng Tawid of smart pinoy investor.

Ito iyong mga taong mairerekomenda ko at pwede ninyong subaybayan sa mundo ng stock market subscribe lang kayo sa mga channels nila sa youtube at siguradong matututo din kayo sa kanila katulad ko. sila iyong mga walang sawa sa pagtuturo ng libre at walang kapalit. actually marami pang iba. pero itong tatlong ito sila mga naging mentor ko mula mag umpisa ako mag aral hanggang sa ngayon. (pero ako lang nakakaalam na mentor ko sila. hehe!) 


Enjoy trading and investing!
para sa future!!!


"Be humble, be teachable and always keep learning"



-LumangTao-



Sunday, November 4, 2018

Philippine Stock Market- Ano ito?

Marahil ay makailang ulit mo nang narinig o nabasa ang salitang stock market sa tv, radyo o sa mga news papers. o maari ring ngayon mo lang nabasa pero hindi mo maintindihan kong ano ito.
Isinulat ko ito hindi upang mag magaling o magyabang na marami akong alam kundi upang magbigay lang ng ilang impormasyon ukol dito at ito ay  base lamang sa aking mga natutunan sa aking pag aaral. At patuloy pa rin akong nag aaral nito. syempre credit sa mga mentors/guru na sinubaybayan ko sa youtube at sa mga sites na pinupuntahan ko na walang sawa sa pagsusulat at paggawa ng vlog/webinar para magpakalat ng kaalaman tungkol dito.

Ano nga ba ang stock market?

Pang mayaman lang yan! iyan din nasa isip ko noon sa tuwing naririnig ko ito. pero nabago ang lahat simula nang magsaliksik ako tungkol dito. napag-alaman ko na kahit sino pwedeng pumasok dito mahirap, mayaman, estudyante, janitor, teachers, abogado, matanda o bata may ngipin o wala pwede dito.

Philippine stock exchange o Philippine stock market- mahigit 300 kumpanya ang nakapaloob dito tulad ng jollibee, ayala corp., san miguel, globe, bdo at marami pang iba na kung saan dito ka maaring bumili ng shares ng kumpanya kung saan gusto mong mag invest at yung perang ininvest mo sa kanila ay gagamitin nila bilang kapital upang magpalaki, magpalago o mag expand pa. at kapag ginawa mo yan isa ka na sa mga tinatawag na shareholders ng kumpanyang napili mo. oh db sarap pakinggan? shareholder ka na ni jollibee, ni ayala o ni san miguel!

gagawin nating simple ang pagpapaliwanag para mas madaling nating maintindihan mga bro/sis. hindi na natin kailangan pang gumamit ng dictionary o magpakadalubhasa sa English para dito. 


so, ituloy na natin...

Paano ka kikita sa stock market?

Normal na tanong iyan. ang masasabi ko lng may malaking potensyal na paglago ng pera dito. papaano? simple lang naman buy and sell lang ang labanan dito. bibili ka ng shares sa isang kumpanya sa mababang halaga at ibebenta mo ito sa mas mataas na halaga. magulo pa rin? ok lang normal yan. mahabang usapin talaga ang stock market una mo dapat baon bago ka pumasok dito ay sipag sa pag aaral. kung wala ka nito itigil mo na pag babasa kasi hindi para sayo ito at mauubos lang ang pera mo dito.

para mas maliwanag halimbawa may pera kang 20,000 at bumili ka kahapon ng shares ni jollibee sa halagang 240 per share so meron kang 83shares. at ngaung araw ay tumaas sya sa halagang 260 per share at ibenenta mo yung 83shares mo ibig sabihin kumita yung pera mo ng 1,580pesos dahil naging 21,580 yung 20,000 mo.

*buy* 
20,000 capital divided by 240per share (yesterday) =83shares.

*sell* 
83shares x 260per share (current price) =21,580pesos
gain=1,580




pero huwag masyadong maexcite kasi hindi laging ganito ang takbo ng stock market. laging tatandaan na hindi easy money dito. at marami nang natalo dito o nawala iyong perang pinaghirapan nila. parang negosyo lang na maari kang matalo at maari ka ring manalo. pero kung may sapat kang kaalaman sa negosyong pinasok mo malaki potensyal na manalo ka o kumita iyong pera mo. tama?

Kung mapapansin mo sa chart ng jollibee sa itaas tumataas at bumababa ang price per share nito. (pula iyong pagbaba at green iyong pagtaas) na ang ibig sabihin lang hindi sigurado ang paglaki ng pera mo dito automatically. pero gaya ng nabanggit ko kanina lang. malaki ang potensyal o atleast may potensyal ang paglago ng pera mo dito kung mag aaral ka tungkol dito. at kung alam mo pinasok mo. 
Ngayon pansinin mo nman iyong kabuohan ng chart ni jollibee kung mapapansin mo from 2008 na ang price per share nya ay 50pesos at umakyat ng 260-280pesos per share ngaung 2018. may potensyal ba o wala?

imagine kung long term investor ka. at nag invest ka kay jollibee nung 2008 at naisipan mong ibenta ngayong 2018 magkano inabot ng pera mo? ikaw na bahala mag compute gayahin mo nlang computation sa itaas gamit ang buy and sell formula. basic math lang naman yan. yakang yaka mo na yan!

Dalawang paraan ng pag iinvest sa stock market.
1. Direct investing- eto yung pinag uusapan natin sa itaas kanina lang. dito ikaw mismo ang pumipili ng kumpanyang gusto mo, ikaw ang bumibili at nagbebenta ng share ng stocks kung kelan mo gusto. ibig sabihin ikaw ang may kontrol sa sarili mong account. high risk ito pero high reward. 

-sa Direct Investing pwede kang maging TRADER o short term investor iyong bibili ka ng stocks na gusto mo at ibebenta mo ito pag taas ng presyo agad agad. umaabot lang ito ng buwan, linggo, araw, oras o kahit minuto benta na. pero d aabot ng taon. matinding pag aaral bago mo dapat pasukin ito. dahil dito maraming natatalo at nag quit sa stock market. pero may mga traders din malalakas kumita dito iyong iba nga milyonaryo na daw. sila yung wala na ginawa kundi magbasa ng charts, mag aral ng technical analysis at fundamental analysis. (ipaliwanag ko yan sa mga susunod.) hehe!

- pwede ka rin dito maging INVESTOR o long term investor. ito yung bibili ka ng stocks na gusto mo at ibebenta mo lang makalipas ang 5yrs, 10yrs o 20yrs. at yun nga imagine kung nag invest ka kay jollibee 10yrs o 20yrs ago? ang yaman sana natin ngayon boss! pero hindi pa huli ang lahat. umpisahan na natin ngayon na!

2. Indirect investing- may ibat ibang klase ng indirect investing example nito ay Mutual Fund. (meron ako nito.) dito hindi ka direktang bumibili ng stocks na gusto mo kundi may mga professional na fund manager na hahawak ng pera mo at sila ang bahalang mag invest sa stock market. medyo low risk ito dahil professionals nga ang nagpapatakbo ng pera mo. dito d mo kailangan na palaging nakatutok sa merkado o magreview ng stocks na dapat mo bilhin dahil sila na ang gagawa nito para sayo. ang gagawin mo lang ay mag pondo at sila nang bahala sa lahat. astig dba? long term investment dito. kaya ang advise ko ilagay mo lang yung perang hindi mo kailangan o hindi mo gagamitin sa loob ng maraming taon. gets? 

Magkano?
5,000pesos yan ang minimum na halaga para makapag simula sa stock market pero bago yan ay kailangan mo munang mag open ng trading account sa  tinatawag na Stockbroker. mag fifill up ka lang ng application nila for opening ng account at ipapasa o ipapadala mo lang sa kanila. downloadable nman sa mga website nila iyong mga form nila kaya d mo na kailangan pumunta pa sa opisina nila. mag iemail sila syo kapag approved na iyong application mo then iaadvise ka nila na pwede ka na maglagay ng fund (may instruction na rin kung pano ka maglalagay ng fund sa kanila). once mareceive nila yung fund mo ay ipapadala na rin nila sa email mo iyong account no. at password mo. para maopen mo account mo at makikita mo na rin iyong initial fund mo. after that pwede ka nang magsimula! kung anong atake gagawin mo sa stock market. usually 3 to 5 working days lang para sa approval ng applications.

Stockbroker- sila iyong mga lihitimong kumpanya o brokerage firm na direktang may kaugnayan o nakikipagtransaksyon sa Philippine Stock Exchange Inc. (PSE) para sa mga investors. sila ay tumatayong middlemen sa pagitan ng mga investors at PSE. sa kanila mo ilalagay iyong fund mo. Col financial ang broker ko. https://www.colfinancial.com pero marami pang broker ang pwede mong pagpilian. like First metro sec., 2trade asia, Bdo nomura at marami pang iba. search mo nalang sila. Oopps! Wala po akong kumisyon kay col financial sharing lang po ginagawa ko at wala akong kahit anong makukuha dito.  




Ito ang chart ng PSEI o Philippine stock exchange index- kung mapapansin mo uptrend talaga ang stock market. bumabagsak pero bumabawi nman at pataas pa ng pataas. dito nakapaloob yung tinatawag na mga blue chips o mga top performer na companies like jollibee, sm, ayala, bdo, at marami pang iba. nasa 30 stocks ang tinatawag na mga blue chips. sila yung nagbibigay buhay sa mundo ng stock market. karamihan ng mga investors especially mga beginners sa mga blue chips nag iinvest dahil sa patuloy na pag taas ng halaga ng bawat shares nito. at kahit mga fund managers sa mutual fund malaking porsyento sa mga funds na hawak nila sa mga blue chips rin napupunta.

so, paano tara na! mas marami mas masaya mas buhay ang stock market! Invest na!

kung may mga katanungan ka comment lang sa baba sasagutin ko sa abot ng aking makakaya. 

enjoy trading and investing!!!
para sa future!!!

"Be humble, be teachable and always keep learning"



-LumangTao-




Saturday, September 29, 2018

IDEAL PARTNER BA HANAP MO?

Feeling "Love Guru" ako ngayon dahil sa isinulat kong ito. Pero maraming makakarelate dito. ❤❤❤

Nakita mo na ba si mr. Right?
Eh iyong babaeng pinapangarap mo nakita mo na ba?
So naghahanap ka ng ideal partner mo?
Itigil mo na muna iyang paghahanap mo. Basahin mo muna ito.

Naniniwala akong ang pag ibig hindi mo kailangang hanapin hagilapin o habulin. Ang pag ibig kusang dumarating sa hindi mo inaasahang sandali, oras o panahon ng iyong buhay. Narinig ko nga sa isang kakilala sabi niya "kung saan saan ka nman nakatingin, sa malayo ka pa tumitingin malay mo nasa tabi tabi lang iyong magmamahal sayo ng totoo malay mo ako iyon." may maibanat lang eh.

Masasabi ko ring ito'y isang sugal. Oo sugal lahat itataya mo para dito. Hindi ito tulad ng pag-aapply mo sa trabaho na may interview bago ka pumasok walang tell me about your self dito. Wala ring background check at declaration ng SALN dito bago mo pasukin.  Pumasok ka muna bago mo malaman. maari ka magtanong ngunit 101% hindi ka makakasiguro kung totoo mga sinasabi niyan. Hindi mo alm kung anong klase ng tao iyang nasa harapan mo ngayon. Hindi mo alam kung anong ugali o kung anong pag iisip meron siya. Puwede mo namang pag aralan pero palagi iyan late. Late mo na marerealize na "ahh ganito pala siya". "Ganyan pala siya". Kung naging positive? Hala ka! (Joke!)  Congrats hindi ka nagkamali. Baka nanalo ka sa sugal. Pero madalas may mga talunan. Umiiyak at nag sisisi. At wala nang bago sa pagsisisi sa huli common na nateng naririnig yan sa kahit na kanino. At lahat  naman yata ng umpisa matamis, masaya, parang walang bukas at ayaw mo na matapos.

Bago ka pa pumasok sa isang relasyon sana mabasa mo ito. O kung nasa isang relasyon ka na sigurado akong ganito rin nakikita o nakita mo kaya basahin mo na rin.

Umpisahan nten sa pagiging..
Magkaibigan-madalas dyan naman nag uumpisa.  ngunit nakakasiguro ka ba na makikilala mo na siya? Na siya na iyon? Unahan na kita. Hindi. dahil makikilala mo lng siya kung pano at ano siya bilang kaibigan. Kung magkasundo kayo? good! masaya iyan. Pero kung hindi mo gusto madali namang umiwas.  Sa stage na to may mga tampuhan pero maliit na bagay iyan sa magkaibigan mamaya lang wala na yan.

Amazing diba? Sa pagkalawak lawak ng mundo posibleng makatagpo mo yung taong pinapangarap mo. Sa iisang lugar, sa tamang panahon, sa tamang oras, sa tamang pagkakataon. (pero wag mo ipilit na baka si boss mo iyan!)

At sa paglipas ng panahon.
Mahuhulog ka dahil mabuting kaibigan pwede ka mafriend zone at iwanan sa ere. pero madalas sasaluhin ka niyan. at magiging kayo.

Bf/gf- ibang stage at ibang level na iyan. Makikita mong iba namang mga ugali at kung pano sya mag isip sa stage na ito. Akala mo kilala mo na siya? Ako na ulit sasagot. Hindi pa rin. kasi ngayon mo palang malalaman kung ano siya bilang bf/gf mo. Pwedeng santo santohan iyan sa bait. At pwede rin nmang parang si incredible hulk kapag na beast mode. Late ka na diba? kasi nakapasok ka na. pero pwede ka pa namang kumalas kung hindi mo kaya ugali niyan.  Sa stage na ito mas bumigat dahil may mga limitasyon na. At mas marami na ring tampuhan,awayan hindi puro tawanan at kasiyahan kumpara nung magkaibigan palang kayo. Sa paglipas ng panahon Eto iyong stage na nagkakaalaman na. Kumbaga sa trabaho nakita na kung pano ka mag trabaho kaya oras na para sa evaluation mo kung ireregular ka o end of contract na. Ano kasalan na?

At lumipas muli ang panahon.. (oops! hindi daw lahat pinapalipas ang mahabang panahon meron 3 to 6 months ok na.👊👊)

Ang haba na ng pinagsamahan niyo mula pagiging magkaibigan hanggang ngayon kilalang kilala niyo na siguro ang bawat isa.
Akalain mo natiis niyo ang isat isa? Eto ikakasal ka na, sigurado ka na ba?
Kilala mo na ba? Iyan na ba iyong hinihintay mo noon na ideal partner? Nakita mo na ba?
Kung oo sagot mo sa lahat ng tanong...(ok lang yan alam ko babalikan mo kung ano yung mga tanong). Prangkahan tayo nagkakamali ka. Hindi ka pa rin nakakasiguro. Mag uumpisa palang kayo para magkakilala.

Simula sa araw ng pag iisang dibdib.
At matapos niyong sumagot ng makailang ulit na "opo father!" dto mag uumpisa na makikilala niyo ang isat isa. Dito maraming kasiyahan, lambingan, katuwaan mayroon ding awayan, iyakan, tampuhan, umbagan? (bad iyan). Ganyan ang buhay mag asawa. masaya? Sobra. Masalimuot? Hay sobra. Normal iyan. Pero ang maliwanag dito Hindi mo siya kasama dahil siya iyong ideal partner na pinangarap mo, at lalong hindi ito yung perfect relationship na inaasam asam mo na napapanood mo sa tv o pelikula. Maraming pagsubok at maraming malalaking desisyon ang haharapin niyo na magkasama. Hindi man siya yung ideal partner na pinangarap mo mahalin mo siya kung ano siya at kung sino siya.

Kaya si mr. Right at iyong babaeng pinapangarap mo? Guni guni mo lng yan. Walang ganun.

Ideal partner? Walang ganun. Hindi mo mapipili iyan, hindi mo makikita iyan. May darating na para sayo at tatanggapin mo kung anong meron siya at kung ano siya. Mamahalin mo ang lahat pati kakulangan  niya,  iappreciate mo kung anong maganda sa kanya at irespeto mo kung anong meron sa kanya.

At yan ang tunay na pag ibig.


#SaluteToAllLoyalHusband
#SaluteToAllFaithfulWife
❤MNNSBT❤
-LumangTao-

Tuesday, September 18, 2018

Ang unang paglalakbay (ofw story)

Paglayo sa binuong pamilya. Eto na yata iyong pinakamasakit na sakripisyong gagawin mo para sa pangarap. Para kumita ng katiting para sa ikabubuti ng iniwang pamilya. Akala niyo masarap? Akala niyo masaya mangibang bansa? Akala nyo kpg abroad marami ka nang pera? Depende kung saan mapupunta iyong perang pinaghirapan mo.

Sige umpisahan na natin..

Ang simula ng paglalakbay..

Dumating ang araw ng pag alis. Akala mo excitement yung nararamdaman ko? Hindi! Isang malaking hindi! Umpisa na nang araw na hindi ko makakasama o makikita ang asawa at anak ko. pamilya ko, kaibigan, kamag anak at kahit iyong aso ng kapit bahay namin.

Sa loob ng taxi..
papuntang airport ibat-ibang pakiramdam, ibat-ibang emosyon nagrarambolan iyong nararamdaman ko. Iyong isip ko parang rine-rewind na time machine. para akong baguhan sa lugar na dinadaanan ko. Iyong kalsada, billboards, tulay ng guadalupe, buildings ng makati, nagtataasang skyway at iyong paborito kong sakyan na mrt. Palinga linga kong tinitingnan na tila bang sinusulit ko na pagmasdan ang maliit na parteng ito ng pilipinas kasi baka dalawang taon bago ko ulit makita o baka nga hindi ko na makita? Haha! Ano ba nman malay ko kung ano kahihinatnan ko sa bansang pupuntahan ko. Ang dami na ring kwento ng kabiguan na sinapit ng mga kababayan na nagtangka iahon ang pamilya. Pero nganga at Pwede kang umuwing bayani! (na nakakahon). Saklap db?

Sa airport..
Unti unti na nagbabago ang mundo ko. Inspection sa imigration para ka nang kriminal na hindi mapagkakatiwalaan. Check ng papeles kukunin yung finger prints sabay picture picture muna. Inspection ulit sa mga dala dalahan. Wala naman ako dalang paborito kong lutoing adobo kaya siguro pinatuloy na ko. Carpeted na iyong linalakaran ko last ako nkalakad sa ganito noong kasal ko pa.  May pailan ilan na ibang lahi na rin ang nkakasabay ko. (nasa pinas pa ko pero mejo naaamoy ko na yung pupuntahan ko). Ibang iba to kumpara sa uuwi ka lng ng probinsya. triple yung laki ng eroplanong sasakyan ko o bka sobra pa. Parang ayoko pang humakbang papasok ng eroplano pero nandito na ko kaya sinamahan ko nalang ng dasal. Hindi para sa sarili ko kundi sa pamilyang iiwan ko. Okay lang ako. Gaya ng lagi ko sinasabi sa asawa ko..

Sa eroplano..
Dito na medyo bumibigat na yung paghinga ko. Para bang may gusto kang pakawalan na d mo mailabas. Eksakto sa pag i-emote ko iyong sa tabi ako ng bintana nakaupo. Iyong malayo ang tingin wala namang tinatanaw. (music video lang ang dating). Pero bago pa ko madala ng emosyon ko nakakita ako ng mapaglilibangan. May monitor sa harap ko. Nood muna movie kahit wala nman talaga ako maintindihan dahil wala nman sa movie iyong isip ko. Laro naman ng games kahit wala nman yung loob ko sa linalaro ko. Mayat maya ang hatid ng pagkain, kape, sandwhich at kung ano ano pa. Masarap pala bumiyahe sa malayong lugar. Mas masarap sana kung kasama ko sila pero wala eh. Ako lng to. D ko talaga ma-enjoy. After 9hrs sa himpapawid. Nkarating na rin ako ng ligtas.. from airport to airport palang iyan. At palala ng palala iyong pakiramdam ko para akong lalagnatin. Iyong tipong nasaan ako? Anong lugar ito? Nasa ibang dimension ba ako? O feeling ko nasa ibang planeta na ko.

Nang isilang akong muli..

Hindi na ako pamilyar sa paligid ko. Ibang lenguwahe, ibang kasuotan, ibang kapaligiran, at higit sa lahat hindi na amoy pinas ito. Bago lahat sa akin. Kailangan ko makibagay sa kung ano ang nasa kapaligiran ko ngayon. Kailangan ko sumunod sa kung anong batas meron sila dito ultimo pananamit hindi na katulad sa pinas na kahit anong gusto mo isuot o kahit walang suot okay lang. Dito hindi. At kailangan ko ulit mag aral magsalita. Oo magsalita katulad ng lenguwahe ng mga lokal dito. Kasi kung hindi mo aaralin mahihirapan ka makipag communicate sa mga tao dito. Ultimo pagtatanong lang ng lugar mahihirapan ka. 

Ang laking adjustment ginawa ko...

Sa pagkain..
Madalas at masasanay ka nalang na kumain ng dalawang beses sa isang araw. well choice ko yun at karamihan iyon talaga ginagawa dahil iyong ibang natitirang oras itutulog mo nlang o itatawag para makausap ang pamilya sa pinas.

sa pagtulog..
Madalas at masasanay ka nalang din na matulog ng apat hanggang anim na oras at sapat na sakin iyon. Disiplinado ka na kpg magawa mo iyon. Congratulation kung naka 8 oras ka ngayong araw.

sa pag budget ng pera..
Simple lang nman kinukuha ko lang iyong budget na alam kong sasapat sa pagkain at magagamit ko sa loob ng isang buwan.(pero madalas kulang iyan) at iyong naiwan padala na sa naiwang pamilya sa pinas. Sa mga unang buwan medyo mahirap pa kasi kailangan kong gawin yan ang unahin obligasyon ko lalo na sa mga pinagkautangan ko para makaalis. (tapos na ko sa obligasyon kong yan yahoo!) pero d pa rin dapat i-celebrate iyan. Marami pa akong plano para sa perang kinikita ko dito. (anong gagawin sa perang pinaghirapan abroad? isusulat ko rin iyan sa mga susunod kapag sinipag ulit magsulat).

Sa pag budget ng oras..
Importante ito. Pero nahirapan ako dito. Pero sinusubukan kong i-manage ang oras ko para sa trabaho, pamilya, pagkain, pagtulog, pagsusulat at pag aaral (oo nag aaral ako! self study ng kung anong bagay na alam kong may kabuluhan para sa akin. ano ginagawa ni google at youtube). may mga pisikal activities pa like basketball at work-out kung minsan. Nadagdagan pa nga iyan dahil nahihilig na rin ako magbasa ng libro/e-book. ("Rich dad Poor dad by robert kiyosaki"- eto iyong unang librong natapos ko dito). Mahirap kapag masyadong malikot ang kokote mo sa pag explore sa maraming bagay. Kulang iyong 24hrs na ibinigay sa iyo para magawa lahat ng iyan.

Sa ngayon ay 7months na akong nandito sa malayong lugar. Malayo sa pamilya at umaasang magkakaroon ng magandang kahihinatnan ang ano mang pinaghihirapan.

-LumangTao-

Wednesday, February 8, 2017

Damdamin nang LumangTao

Payapa,  masaya at simpleng pamumuhay. Kahit walang karangyaan iyan lang ang pangarap ko sa buhay. Marahil iba ang pangarap ko sa pangarap ng iba. Marami ang gustong yumaman (sino nga bang hindi?). marami na ring yumaman at natupad ang mga pangarap  pero kumpleto na nga ba sila? Masaya ba ang buhay nila? Masaya ba at buo ang pamilya nila? Payapa ba ang kalooban at kaisipan nila?

Ang maitaguyod sa pag aaral ang aking anak sa kabila ng simple at masayang  pamumuhay ang pinapangarap ko. Sa ngayon ay masasabi kong hindi ko pa nakakamit ang mga ito. Oo buo ang pamilya ko, may trabaho, may bahay na inuuwian hindi man totoong amin ngunit pinaghirapan naming mag asawa na mabuo. Ngunit ano pa nga ba ang kulang? Bakit may hinahanap ako na hindi ko malaman kung ano. (Nung una..)

Ngunit habang lumilipas ang panahon unti unti kong nakita kung ano ang kulang kung bakit laging bitin ang saya ng pamilyang aking binuo.

KAPAYAPAAN NG KAISIPAN AT KALOOBAN.

Iyan ang kulang. yung dumadaan ang mga araw na tila ba may bigat sa dibdib. Tila ba hirap sa paghinga. At wala kang magawa kundi bumuntong hininga at patuloy na labanan ang bigat na nararamdaman.

Ngunit ang lahat ay may hangganan. At kailangang gawin ang ano mang paraan bago pa mahuli ang lahat.

Sayang ang panahon hahayaan nalang ba natin na malugmok ang buhay sa isang sitwasyong hindi ka masaya? Hindi ko sinasabing pagsisihan ang anumang nakaraan kahit na pinakamasasakit na pangyayari sa nakalipas. Dahil bawat mapait na pangyayari ay mayroon tayong natututunan at dapat iyong ipagpasalamat..

Marahil ito na ang tamang panahon upang maiasakatuparan ko ang pangakong binitawan  maraming taon na ang nakalipas. Kung ano ang kahihinatnan hindi ko alam. At hindi ko malalaman kung hindi ko susubukan.

(hindi ko alam kung may nagbabasa pa o bumabalik sa blog kong ito. pasensya sa makakabasa nito dahil siguradong naguguluhan ka, matagal akong hindi nakapagsulat dito  at dahil birthday ko ngaun sumulat ako. Maari mo akong tanungin ngunit hindi ko maipapangakong ikaw ay sasagutin.)

Salamat. Happy Birthday to Me!


-LumangTao

Tuesday, October 25, 2016

Mamang Tsuper

Sa loob ng pampublikong sasakyan ay napakaraming kwento ang maaari mong maisulat. Baka nga makabuo ka pa ng mga isan daang libro sa pagsusulat tungkol dito. Ibat ibang tao o mga pangyayari ang maari mong masaksihan sa araw araw na pagtangkilik sa mga pampublikong transportasyon tulad ng MRT, LRT,  Jeepney, Bus at kahit pa sa tricycle o pedicab. Marami ring emosyon ang maaari mong maramdaman sa pagsakay sa mga ito. Nariyan ang malungkot, matuwa, maiyak, matakot, magimbal, at kung ano ano pa dahil sa mga pangyayaring nasasaksihan o nararanasan dito. Sa dami ng pwede ko isulat naisipan kong unahing maging bida ang ating mga Tsuper.
Ito naman ay base lamang sa aking mga karanasan at obserbasyon. Sa araw araw ba naman na sila ang kasa kasama ko sa bawat biyahe. Unti unti ko rin silang nakilala..

Ang ibat ibang uri ng Tsuper (ng Jeep) sa lansangan.

Tsuper na apurado- siya iyong pasakay ka palang umaandar na at syempre sa ganoong paraan ka rin niya ibababa. Oh diba? binigyan niya ng thrill ang buhay mo kahit saglit lang. (kapit lang!).

Tsuper na MATHinik- sila iyong pabibilibin ka sa talas nila sa kwentahan. Sa kanila mo maririnig iyong mga katagang “Iyong mga wala pang bayad riyan oh magbayad na, dalawa pa walang bayad” bilang na bilang niya kahit sabay sabay pa nagbayad ang mga pasahero kanina lang. Kaya iyong wala pang bayad na busy na sa pagte-text bubunot ng pambayad at nahihiyang iaabot ang pera sa unahan.

Tsuper na Sniper- dahil sa mata niyang mala sniper na laging may tinatarget. Hindi mapakali panay ang tingin sa hita ng katabing chicks kahit pa iyong nasa likuran sa tindi ng mata niya ay kaya niyang sipatin gamit ang nasa harapang salamin.

Tsuper na beast mode- sila iyong pabulong na minumura iyong ibang driver na nakakasabay o nasasalubong. Feeling niya palagi siya ang tama pero siya naman itong kaskasero sa daan. Salita ng salita wala naman kausap. (sila iyong kinakatakutan ng pasahero dahil parang nasisiraan ng ulo).

Tsuper na laging may katext o may kausap sa cellphone niya.- ginagawa niya ito habang nagmamaneho. Maiinis ka sa kanya lalo na kung nagmamadali ka dahil sa bagal ng takbo ng sinasakyan niyo. Pero hindi mo rin siguro gugustuhing bilisan nya dahil gusto mo rin namang makarating sa pupuntahan mo nang ligtas diba?

Tsuper na manhid- siya naman iyong walang pakiramdam o bingi lang talaga. yung tipong naka sampung “para” ka na pero ayaw niya pa rin ihinto. At hihinto lang siya kapag sabay sabay na sumigaw ng “para” ang lahat ng pasahero niya. Mapapamura ka nalang habang bumababa dahil kailangan mo na naman sumakay uli pabalik sa layo nang narating mo.

Tsuper na patok- dala niya ay sasakyang patok ito iyong jeep na malakulisap kung titingnan dahil nababalutan nang nagtitingkarang mga ilaw. Sa dami ng ilaw nito mapagkakamalan mong si “shaider” ang driver na nagmula pa sa kalawakan. At siguradong dumadagundong sa lakas ng tugtog ang loob ng sasakyang ito. Yung tipong hindi na kayo makakapag usap dahil hindi rin naman kayo magkakarinigan. Madalas silang pagalitan ng mga pasahero dahil bukod sa pagewang gewang na sasakyan ay nakaririndi ang malakas na tugtog ng hindi mo maintindihang musika.

Tsuper na palaging naghihintay- siguradong nabadtrip ka na rin nya kung na encounter mo na siya dahil bawat kanto hihintuan niya para maghintay ng dadating na pasahero. Kung nakakatunaw ang tingin kanina pa siya naglaho sa kinauupuan niya dahil halos lahat ng pasahero masama na ang tingin sa kanya.

Tsuper na explorer- yung tinalo niya pa si Dora sa pagiging explorer niya sa daan. Siya iyong driver na kung saan saan sumusuot makaiwas lang sa buhol buhol na trapik. Pero iyong dinaanan mas malala pa pala. Kaya kakamot na lang siya sa ulo kasabay nang mga pasahero niyang mainit na ang ulo.

Tsuper na everyday Sunday- sa tugtogan niyang malakas maka oldies. Smooth lang, relaxing. Mag ienjoy ka sa mga lumang tugtugin ni manong na sinasabayan niya pa kahit na iba ang kanyang lyrics. Cool! Hindi ko lang alam kung naaapreciate pa ng mga kabataan ito ngayon. Pero paborito ko itong sakyan. Para ka lang nasa alapaap habang bumibiyahe. (wag naman daw sana “My Way” at madaming madadamay).

At ito ang pinaka ayaw ko.

Tsuper na walang modo, walang hiya, walang respeto at malakas makaperwisyo- sila iyong malakas humithit ng sigarilyo habang nagmamaneho. Sa lahat nang nabanggit dito na klase ng tsuper sa kanya ako sobrang apektado dahil parang tanga lang nasa harap niya iyong  “No Smoking” sign pero siya ang nangunguna sa paglabag dito. Bukod kasi sa ayaw sa sigarilyo ng ibang pasahero hindi rin kasi marunong rumespeto. Pwede namang hithit lang walang buga. Lunok lahat ng usok para walang maperwisyong iba. Diba?

Sila ang ating mga Tsuper. Huwag natin silang matahin dahil maghapon sila sa lansangan nagpapakapagod, tinitiis ang hirap kahit pa bumuhos ang malakas na ulan o kahit pa sunog na ang kanilang balat sa init ng araw kakayod sila para sa kanilang mga pamilya. pati na ang araw araw na pagsuong sa kapahamakang kaakibat ng pagmamaneho maihatid lang tayo ng ligtas sa ating patutunguhan.

Kayo na po bahala magdagdag kung may nakalimutan pa ako..


-LumangTao-